NOTE: This entry is in Tagalog. For my non-Tagalog/Filipino-speaking readers, kindly turn on your favorite web translator.
Halos magwa-walong taon na nang huli akong mapadpad sa Portugal. Pero ang huling bisitang ito ay nananatiling sariwa sa aking isipan. Hindi kalabisan kung sabihing “parang kahapon lang.” Totoo. Parang kahapon lang nang maglakad ako sa Rossio Square, nang kumain ako ng napakasarap na Pasteis de Belem, at nang una kong napakinggan ang musikang Portuges na fado.
Kaya naman nang lumitaw sa FB timeline ko ang Portugal photo album ko, bigla kong naalala na hindi ko pa pala masyadong naikuwento sa inyo ang ibang lugar na nabisita ko.
Narito ang ilang larawan na hindi ko na nai-post noon (marahil dahil sa kawalan ng oras o tinamad lang talaga ako haha). Kuha ang mga ito sa distrito ng Sta. Maria de Belem sa Lisbon.
Sa Belem, makikita ang ilan sa pinakatanyag na atraksiyon sa Portugal. Nariyan ang Mosteiro dos Jeronimos, isang UNESCO World Heritage Site. Gawa ito sa istilong Manueline na tatak Portuges at walang katulad sa buong mundo. Makikita sa mga detalye nito ang mga napakagrandiyosong palamuti na may elemento ng paglalayag. Kung mabusisi ka, mauubos ang oras mo sa katititig sa mga ito!
Isang tawid lang mula sa monasteryo, matatagpuan naman ang pamosong Antiga Confeitaria de Belém, isang panaderya na gumagawa ng pasteis de nata o egg tarts. Ito yata ang hinding-hindi ko makakalimutan sa lahat nang nakain ko sa Portugal. Ang sarap lalo na kapag sinabayan ng kape. (Basahin dito.)
Samantala, sa ‘di kalayuan, makikita ang Padrão dos Descobrimentos o Monument to the Discoveries: limampung metro ang taas, natapos noong 1960, at isa sa pinakasikat na destinasyon ng mga turista. Ipinagbubunyi ng monumento ang Age of Discovery ng mga Portuges o panahon nang nanguna sila sa pagtuklas ng iba’t ibang teritoryo sa labas ng Europa.
Makikita sa unahan ng pila si Henry the Navigator, ang pinaka-prominenteng manlalayag ng Portugal, kasama ang ilan sa mga bayaning Portuges tulad nina Vasco de Gama na siyang nakatuklas ng ruta papuntang India, Pedro Alvares Cabral na siya namang ‘nakadiskubre’ sa Brazil, at siyempre, si Fernao Magalhaes o mas kilala nating mga Pilipino bilang Ferdinand Magellan. Sa tingin ko naman, alam n’yo na kung ano ang ‘nadiskubre’ niya, ‘di ba? 😉
Sa kabilang bahagi naman ng ilog, makikita ang Ponte 25 de Abril o The 25th of April Bridge na nagdudugtong sa Lisbon at Almada. Isa itong suspension bridge na kamukha at ka-disenyo ng Golden Gate Bridge ng San Franciso. Kilala rin ito bilang Bridge Over the Tagus.
Bago matapos ang pag-iikot, puwedeng daanan ang Torre de Belém o Belém Tower. Bukod sa pagiging bahagi ng depensa ng bayan ng Lisbon noong 16th century, ito rin ang ceremonial gateway ng mga taong gustong pumasok sa bayan.
Tingin ko kasya na ang dalawa hanggang tatlong oras para malibot ang mga nabanggit kong lugar. Kung mas feeling adventurous ka naman o talagang nangangati lang ang paa, maglaan ng buong umaga o kaya buong maghapon para malibot ang Belem. Magkakalapit lang ang mga atraksiyon na ito kaya sigurado ako’ng di kayo mawawala.
P.S. Matagal-tagal ko na ring binalak na magsulat sa Tagalog. Ang kaso, parang laging nauunsiyami ang plano ko. Ewan ko ba pero kung minsan parang mas madali pang magsulat sa Ingles kaysa sa Tagalog. Para kasing dapat paghandaan nang husto ang pagsusulat sa Tagalog. O baka ako lang iyon. Pero ngayon, eto na. Paminsan-minsan ko lang gagawin ito ha. Pero sana nagustuhan ninyo. Maligayang paglalakbay!
Like this post? Why not share it with your friends? You can also get an update of Pinay Traveller right in your mailbox, subscribe to our feeds or join us on Facebook and Twitter.